Transport groups, nananawagan sa LTFRB na magbukas pa ng mga ruta

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 12:17 PM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Patuloy na nananawagan ang ilang transport groups sa pamahalaan na buksan na ang mas maraming ruta para sa mga jeep at iba pang pampublikong sasakyan.

Kasunod ito ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na buksan ang higit 100 dating ruta bago ang muling pagbubukas ng klase sa Agosto 2022.

Nang tanungin kung dama na nila ang epekto ng desisyon ng LTFRB, sinabi ni ACTO national president Liberty de Luna, “Unti-unti lang po ngayon eh, hindi pa ho masyado talaga na nakakalabas.”

“Kaya sana nga po nanawagan po ako sa ating bagong LTFRB Chairwoman (Cheloy) Garafil na sana po mabuksan na po lahat, mailabas na po yung lahat ng QR codes ng ating mga sasakyan,” aniya.

“Talagang hindi pa ho kami nakakabangon sa gutom, sa hirap, na naransan natin sa COVID-19,” dagdag pa niya.

Nauna nang tiniyak ng Department of Transportation na sasapat ang mga pampublikong sasakyan para sa mga estudyante sa harap ng planong pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.

— TeleRadyo, 12 Agosto 2022