PatrolPH

Rockslide maya't maya naitatala sa Sabangan, Mt. Province; lupa patuloy lumulubog

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 05:45 AM

Kuha ng BFP Sabangan
Kuha ng BFP Sabangan

Hindi madaanan ang bahagi ng kalsada sa Sitio Kabaybayan, Brgy. Tambingan, bayan ng Sabangan, Mountain Province dahil sa rockslide nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa Sabangan LGU, maya’t maya pa rin ang pagguho ng mga bato dahil sa paglambot ng lupa sa bundok kasunod ng pag-ulan. Kaya pinapayuhan nila ang mga motorista na dumaan muna sa alternatibong kalsada sa Taccong, Sagada.

Nabarahan din muli ng mga gumuhong bato ang bahagi ng kalsada sa Brgy. Bun-ayan nitong.

Magsasagawa ng clearing operation ang DPWH sa mga apektadong lugar ngayong Biyernes, ayon sa MDRRMO Sabangan.

Nakabantay naman ang awtoridad para tiyakin ang kaligtasan sa lugar.

Ayon sa mga awtoridad, patuloy naman ang paglubog ng lupa sa Sitio Tatabra-an, Brgy. Sacasacan sa bayan ng Sadanga. Nagkabitak-bitak at halos hindi na madaanan ang kalsada sa lugar.

Ngayong Huwebes ay umakyat na sa 12 ang bilang ng totally damaged na mga bahay matapos ideklarang unsafe for occupancy, ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office.

May tatlo pang bahay na namemeligrong mapinsala kung magpapatuloy ang paglubog ng lupa.

Hindi kalayuan sa mga bahay ay nagbabadya rin ang pagguho ng lupa o landslide sa itaas ng mga palayan o rice terraces.

Lumikas na ang mga apektadong residente na ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak sa ibang barangay o lugar.

Nagsagawa na rin ang Phivolcs kasama ang PDRRMO, MDRRMO, DSWD at iba pang ahensya ng pagsusuri sa lugar.

Pinaniniwalaang ang paglubog ng lupa sa Sitio Tatabra-an ay dulot ng lindol noong Hulyo 27.—Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.