Occidental Mindoro nasa state of calamity dahil sa dengue

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 01:50 PM

MAYNILA — Idineklara ngayong Biyernes sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang state of calamity sa buong Occidental Mindoro upang matugunan ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng dengue sa probinsya.

Ang deklarasyon ay base sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ang pagdedeklara ng state of calamity ay makapagbibigay daan sa mga opisyal na kontrolin ang presyo ng mga produkto at gamitin ang pondo para sa kalamidad. Puwede ring makautang ang mga residente sa gobyerno nang walang interes.

Sa tala ng provincial health office, nasa 2,000 na ang kaso ng dengue 
sa lalawigan ngayong taon. 

 

Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng San Jose at Sablayan sa probinsya.

Ayon kay Sablayan Mayor Walter “Bong” Marquez, posibleng isa sa dahilan ng pagdami ng mga tinatamaan ng dengue sa kanilang bayan ay ang brownout.

Tuwing gabi aniya ay marami ang pinipiling matulog sa labas ng bahay dahil sa init kapag hindi makagamit ng electric fan at air conditioner.

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC