PatrolPH

Higit 9,000 pamilya apektado ng baha sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 09:29 PM

Baha pa rin ang ilang barangay sa bayan ng Datu Montawal, Maguindanao hanggang ngayon.

Ayon sa residente ng Barangay Tunggol na si Emelyn Alipin, kung nitong Huwebes ay dinanas nila ang lagpas balikat na tubig-baha, ngayong Biyernes ay lagpas tuhod na lang. 

Baha pa rin sa kanilang lugar dahil walang lagusan ang tubig.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management officer Balumol Kadiding, humupa na ang baha sa mga na Barangay Batungkayo, Bulit, Bulod, Dungguan, Limbalod, Maraidagao, Nabundas, Pagagawan, Talapas, at Talitay. 

Nagsiuwian na nitong Biyernes ng umaga ang mga apektadong residente.

Umabot sa 9,836 na pamilya ang naapektuhan ng baha matapos umapaw ang ilog ng Rio Grande de Mindanao bunsod ng naranasang malakas na pag-ulan.

Dalawang bahay malapit sa ilog ang nasira ng baha. Maraming pananim din ang napinsala.

Patuloy naman ang pamamahagi ng food packs ng LGU sa mga apektadong residente.—Ulat ni Maricel Butardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.