Filipino English teachers, in-demand sa Taiwan

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Taiwan

Posted at Aug 12 2022 02:06 PM | Updated as of Aug 24 2022 05:15 PM

TAIWAN -- Nagdaos ng send-off lunch ang Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Philippines noong August 11, 2022 para sa unang batch ng mga Pilipinong guro na magtuturo ng wikang Ingles sa Taiwan.  

Personal na binati ni Representative Peiyung Hsu ang 14 English teachers at 3 teaching assistants sa nasabing event. Hangad din ni Representative Peiyung Hsu na maging memorable at ma-enjoy ng mga Pinoy ang kanilang pananatili sa Taiwan.  

Sa ilalim ng programang Taiwan Foreign English Teacher Program o TFETP at alinsunod sa Bilingual 2030 Policy ng Taiwan's Ministry of Education, tutulak ang first batch patungong Taiwan ngayong buwan ng Setyembre. 

Taiwan
Ang unang batch ng Filipino English teachers sa ilalim ng TFETP kasama si Representative Peiyung Hsu noong August 11, 2022

Kabilang sa ilang nakapasa mula sa libo-libong guro na nag-apply sa nasabing programa sina Ms. Rufina Guzman-Defeo at Ms. Pines Testa. 

Ayon pa kay Ms. Guzman-Defeo, ginusto niyang magturo ng English sa Taiwan para maging bahagi ng pagsasakatuparan ng Bilingual goal sa 2030. Nais din niyang makilala at mas maintindihan ang kultura ng mga Taiwanese. Para naman kay Ms. Testa, hindi lamang ang mas mataas na pasweldo ang kanyang nagustuhan sa programa kundi ang pagkakaroon ng oportunidad na mahubog ang kanyang magiging foreign students. 

Noong 2021, 77 Filipino English teachers at 11 teaching assistants ang na-hire sa Taiwan. Mataas ang pagpapahalaga ng Taiwan sa skills at expertise ng Filipino English teachers kaya’t asahan ang pagtungo rito ng iba pang mga Pilipinong guro para magturo ng nasabing wika.