PatrolPH

150 pamilya nasunugan sa Bacoor, Cavite; 4 sugatan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 10:35 PM

MAYNILA—Nawalan ng bahay ang nasa 150 pamilya matapos masunog ang magkakatabing bahay sa Bacoor City, Cavite nitong Biyernes ng hapon.

Gawa sa light materials ang nasa 50 bahay sa Tramo, Bgy. Maliksi II na naapektuhan ng sunog na sumiklab bago mag-alas-4 ng hapon, ayon sa Bureau of Fire Protection.

twitter IMG

Naapula ang sunog pasado alas-6 ng gabi.

Kuwento ng residenteng si Nicole Se, 24, nakarinig sila ng malakas na pagsabog noong nagsimula ang sunog.

Natutulog noon ang factory worker na si Se na nagtatrabaho sa night shift.

Sa bilis ng pagkalat ng apoy at tindi nito, hindi na nila nagawang masalba ang kanilang mga gamit.

"Pag-akyat ko po sa taas, sobrang kapal na po talaga ng usok hindi ko na po talaga naming kaya kasi ‘yong bahay na pinagsimulan ng sunog tapos ‘yong bahay namin magkatabi lang tapos ‘yong pinakadingding iisa lang kaya ambilis umano ng apoy sa amin. ‘di ko na nakuha mga ID ko doon sa taas,” ani Se.

Nasa tabi ng creek ang mga bahay na nasunog at nasa loobang bahagi ng lugar mula sa kalsada.

Ayon kay FO1 Manilyn Aguinaldo ng Bacoor City Fire Station, 4 na katao ang naiulat na nasaktan. Dalawa sa kanila ay mga fire volunteer na nag-hyperventilate noong rumisponde sa sunog. Dalawa naman ay mga sibilyan na nahirapang huminga dahil sa usok.

Binigyan sila ng paunang lunas at hindi na dinala sa ospital.

Sa ulat ng BFP, tinatayang P250,000 ang halaga ng pinsala.

Sa ngayon sa mga kamag-anak o barangay tutuloy ang mga nawalan ng tirahan. Nananawagan sila ng tulong partikular ang damit at pagsisimulan muli.

"Sana po matulungan po kaming lahat kasi sobrang dami ng naapektuhan. Wala po talaga kaming naisalba kaya sana po may mag-donate. Kahit ano po mga damit, lalo na po sa mga bata kasi madami pong bata dito sa amin, kawawa naman po, pati po ako may anak po ako, wala po kaming naisalbang kahit isang pirasong damit ng anak ko wala talaga,” ani Se.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.