PatrolPH

Tips mula sa espesyalista para iwas-labo ang mata ng mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2021 06:43 PM | Updated as of Aug 18 2021 07:33 PM

Watch more on iWantTFC

Ganadong mag-aral ang senior high school student na si Errol Jireh Paguirigan pero iniinda niya ang pagtaas ng kaniyang eye prescription.

Mula sa dating 250 bago ang pandemya, naging 450 na ito.

Isinisisi ni Paguirigan ang paglabo ng mata sa labis na paggamit ng gadgets para sa online classes at paglalaro ng mobile games.

"Nahihilo na po ako pag natanggal iyong glasses, parang nagdodoble na po iyong paningin," kuwento ni Paguirigan sa ABS-CBN News.

Ayon sa ophthalmologist na si Dr. Buenjim Mariano, mahirap talagang sabihan ang mga kabataang huwag nang gumamit ng gadgets, lalo't distance learning ang gamit sa mga pag-aaral ngayong pandemya.

"I've been getting more and more kids complaining of eye pain, headaches, and when I look at it, the main cause lang talaga is too much gadgets," ani Mariano.

"Minsan, iyong ibang tao, kapag nasosobrahan ng gadgets, sumasakit na iyong ulo, sumasakit na iyong mata," paliwanag ng doktor.

Inirekomenda ng American Academy of Pediatrics at American Academy of Opthalmology ang zero screen time para sa mga edad 18 to 24 na buwan habang pinapayagan naman ang hanggang 1 oras na screen time para sa mga may edad 2 hanggang 5 taong gulang, maliban na lang kung may virtual calls kasama ang pamilya.

Para sa mga lagpas sa nabanggit na age group, depende na sa sitwasyon ang screen time pero dapat pa ring maituro ang tamang paggamit ng gadgets.

"Nakita nila, mga bata ngayon, they're becoming more nearsighted," sabi ni Mariano.

Ipinayo ni Mariano ang mga sumusunod para sa mga magulang at estudyante kaugnay ng paggamit ng gadgets:

  1. Magkasamang manood ng TV ang mga magulang at kanilang mga anak para magkaroon ng social interaction.
  2. Dapat limitahan ng mga magulang ang screen time ng kanilang mga anak.
  3. Gawin ang 20-20-20 rule - kada 20 minuto, tumingin sa isang bagay na may layong 20 talampakan mula sa iyo sa loob ng 20 segundo.
  4. Huwag kalimutang kumurap upang maiwasan ang panunuyo ng mga mata.

"Don't forget to blink. Kailangan niyong kumurap. Kasi kung hindi kayo kumurap, matutuyo iyong mata niyo. Kung matutuyo iyong mata niyo, it's gonna give you problems," ani Mariano.

Natutuwa naman ang magulang na si Desiree Datu dahil sa paaralan ng kaniyang anak, nililimitahan naman ang oras sa online class.

Bumibili rin si Datu ng mga laruan o binibigyan ng mga gawaing bahay ang kaniyang anak para maalis ang atensiyon sa gadgets.

— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

 FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.