PatrolPH

Padalang pagkain, itinapon? COVID-19 isolation facility sa QC inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2021 11:10 AM

MANILA - Inireklamo ang isang isolation facility sa Quezon City matapos umanong hindi maasikaso ang isang pasyente na may COVID-19.

Sa panayam sa Teleradyo Huwebes, sinabi ni Chat Palma na hindi umano nabigyan ng pagkain ang kaniyang kapatid matapos dalhin ang pasyente sa HOPE 4 Facility sa Quezon City General Hospital.

Kuwento ni Chat, nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang kapatid na si Flor at dinala sa isolation facility noong Martes.

Wala umanong tumulong sa pasyente na dalhin ang mga gamit nito. Hindi rin daw nakatanggap ng pagkain si Flor noong araw na iyon.

"Sabi niya, 'Ate, gutom na gutom na ako. Pagod na pagod na ako. Ang taas ng lagnat ko,'" ani Chat. Hinang-hina, nagtatae at nagsusuka rin daw si Flor.

Kinabukasan, pinadalhan nila ng pagkain si Flor gaya ng fast-food meal, prutas at sports drink. Subalit, hindi nakarating ang prutas at sports drink sa pasyente dahil sabi ng admin ng ospital, "trash" na raw ito.

"Paano magiging basura eh kabibili lang, kaka-provide lang nung umaga," ani Chat.

Wala rin umanong makuhang malinis na tubig ang mga pasyente sa pasilidad.

Inintindi na umano aniya ang kaniyang kapatid Miyerkoles ng gabi at "very accommodating" na ang ospital matapos silang magreklamo.

Sa pahayag ni Dr. Rolly Cruz, head ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, sa Teleradyo, sinabi nito na kompleto ang ibinibigay na pagkain sa lahat ng COVID-19 patients na dinadala sa HOPE 4 Facility gayundin ang gamot.

Posible raw marami ang pasyente kaya hindi agad naasikaso ang pasyente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.