Paanakan sa isang ospital sa Maynila, pansamantalang isinara

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 10:35 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi muna tatanggap ng mga pasyenteng manganganak ang Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Maynila.

Isinara pansamantala ang paanakan sa ospital dahil sa sobrang siksikan na ng mga pasyente.

Mahigit sa doble na ang bilang ng mga pasyente kumpara sa kama sa ospital.

Nasa 233% na ang occupancy rate ng kama para sa mga nanganak. Wala nang espasyo para sa mga bagong pasyente. Noong isang araw, meron anim na buntis na nakahanda na sa cesarian operation pero iisa lang ang operating room.

Kaya abiso ng ospital sa mga buntis na pumunta muna sa ibang ospital para makahinga sila kahit papano at mapanatili pa rin ang physical distancing.

Samantala, tuloy naman ang walk-in COVID-19 testing sa naturang ospital. Isa ito sa 3 ospital sa Maynila na may walk-in COVID-19 testing.