Bahay, pader ng paaralan gumuho sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 11:27 PM

Gumuho ang isang bahay at pader ng eskuwelahan sa Cagayan de Oro City. Bumuhos ang malakas na ulan sa lungsod nitong Martes.

CAGAYAN DE ORO - Gumuho ang lupang kinatatayuan ng isang bahay matapos bumuhos ang malakas na ulan sa Purok 4B sa Brgy. Gusa, Cagyan de Oro nitong Martes.

Wala sa bahay ng mga oras na iyon ang may-ari.

Ayon sa kapitbahay nito na si Michael Omalay, ang pagkatumba ng punongkahoy ang una nilang napansin bago pa ang pagguho ng lupa.

"Tiningnan ko agad ang bahay kasi may nakatira dyan buti na lang wala siya," sabi ni Michael.

Gumuho rin ang pader ng Gusa Regional Science High School na nasa likuran lang ng bahay.

"Ngayon lang talaga nangyari iyan, siguro saturated na ang lupa dahil sa ulan," sabi ni Brenda Galarpe, na principal ng paaralan.

Ayon sa PAGASA, ang malakas na pag-ulan na naranasan sa lungsod ay sanhi ng localized thunderstorm.

Asahan din ang mga pag-ulan sa susunod pang mga araw lalo na sa hapon at gabi dahil naman sa Inter Tropical Convergence Zone o ITCZ.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.