Mga pulis, gov't worker bawal tumanggap ng regalo: Civil Service chair

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng go-signal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis, nilinaw ng pinuno ng Civil Service Commission (CSC) na hindi pa rin pinapayagan ng batas ang pagtanggap ng mga opisyal o empleyado ng gobyerno ng regalo kapalit ng ginawang trabaho.

Ayon kay CSC Chairperson Alicia dela Rosa-Bala, kahit boluntaryo ang pagbibigay ng regalo sa mga pulis, ipinagbabawal ito sa batas.

"Kahit hindi siya nag-solicit pero tumanggap ng isang gift in the course of their official duty," aniya tungkol sa pagbabawal sa pagtanggap ng anumang regalo.

Sa talumpati noong Biyernes ni Duterte sa Camp Crame, ang headquarters ng Philippine National Police (PNP), sinabi niyang kalokohan ang pagbabawal sa mga pulis na tumanggap ng regalo.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, alam naman ng mga pulis kung ano ang labis na regalo.

"As a general rule, hindi dapat tumatanggap pero kung halimbawa naman, di humingi, pero out of gratitude, pinadalhan ka ng manok, o pork and beans, ano ba naman iyon?" ani Panelo.

Sa panayam, sinabi rin ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na kakasuhan nila ang mga tatanggap ng regalo kapalit ng serbisyo.

"Batay po ito sa umiiral na batas, maaari pong kasuhan din ang tatanggap ng ano mang bagay o regalo," ani Banac.

"Ang mandato po ng PNP ay maglingkod at protektahan ang ating kababayan nang walang ano mang kapalit," dagdag ni Banac.

Tiniyak ni Banac na titiktikan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group ang mga pulis na tumatanggap ng regalo.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.