Away sa binhi, nauwi sa pamamaril sa Pangasinan

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2018 01:05 PM

Isa ang patay at isa ang sugatan matapos mauwi sa pamamaril ang girian sa pamamahagi ng binhi sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan nitong Huwebes.

Matapos manalanta ang habagat, namahagi ng binhi ang mga opisyal sa Barangay Bogtong Bunao sa Mangatarem.

Pero kulang ito para sa lahat ng nasalanta, kaya dito umano nag-umpisa ang girian ni barangay kagawad Philip Vicente at barangay chairman Ronald Aquino.

"Ang gusto nya kasi i-distribute agad pero napag-usapan namin ipa-raffle na lang kasi kulang yung naibigay na binhi," ani Aquino.

"Nagkaroon ng pagtatalo umuwi si kagawad Vicente bumalik nagkaroon ulit ng pagtatalo bigla na lang niya binunot yung baril niya," ani Senior Insp. Gilbert Villamore, deputy chief of police ng Mangatarem Police.

Ayon kay Aquino, nakailag siya sa unang putok pero tinamaan siya sa pangalawa sa tagiliran.

Sa kasamaang palad, tinamaan ng ligaw na bala ang 64-anyos na asawa ng suspek.

Patay ang ginang habang nagpapagaling sa kanilang bahay ang chairman.

Nahaharap ang kagawad sa kasong frustrated murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.