Habagat, nagdadala ng pag-ulan sa Luzon, Western Visayas

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2016 09:47 AM

MANILA - Patuloy na nagdadala ng pag-ulan ang habagat sa ilang lalawigan ng Luzon at Western Visayas, ayon sa PAGASA.

Sa panayam ng DZMM kay PAGASA weather forecaster Benison Estareja, sinabi nitong maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang pag-ulan sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Pangasinan, Cavite, Batangas, Mindoro, at Palawan.

Ang natitirang bahagi naman ng rehiyon ng Ilocos at Cordillera, Batanes, Western Visayas ay magiging maulap. Asahan ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Bahagyang maulap naman sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa. Inaasahan pa rin ang pagiging makulimlim at pagkakaroon ng isolated rainshowers o thunderstorms.

Samantala, mayroon umanong binabantayang tropical storm at low pressure area (LPA) ang PAGASA, ayon kay Estareja.

Nasa layong 3,400 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes ang tropical storm.

Nasa labas pa rin PAR, ngunit bahagyang mas malapit ang LPA sa layong 1,700 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.

Posibleng aniyang maging isang tropical depression ang LPA sa darating na weekend. Kung sakali, mapalalakas nito ang habagat na magpapaulan sa kanlurang bahagi ng Luzon na maaaring magpatuloy sa Lunes o Martes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.