PatrolPH

Mag-live-in partner, pinagsasaksak ng dating kasintahan dahil umano sa selos

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2022 04:31 PM

Sugatan ang isang mag-live-in partner matapos silang pagsasaksakin ng isang lalaki sa Barangay Poblacion Norte, Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa imbestigasyon ng Sta. Barbara Police Station, habang natutulog ang mag-live-in partner ay nakarinig sila ng ingay sa labas ng kanilang kuwarto, at nang kanilang silipin ay umaakyat na sa bintana ang suspek.

Nang makapasok sa loob ng bahay ang suspek pinilit umano nitong buksan ang pintuan ng kuwarto at nang mabuksan ay dito na pinagsasaksak ang mga biktima.

Nagtamo ng tama sa dibdib at iba’t ibang bahagi ng katawan ang lalaking biktima.

Sugat sa kaliwang parte ng hita at iba pang bahagi ng katawan ang tinamo ng babae.

Lumalabas na selos ang dahilan ng krimen.

Dating kasintahan umano ng babaeng biktima ang suspek.

Nasa mabuting kondisyon na ang mga biktima at nagpapagaling sa ospital.

—ulat ni Dianne Dy

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.