PatrolPH

Number coding sa umaga muling ipatutupad simula Agosto 15: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2022 07:06 PM

Watch more News on iWantTFC

Inanunsiyo ngayong Huwebes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatutupad na muli ang number coding scheme sa mga sasakyan sa umaga simula Agosto 15.

Ibig sabihin, ibabalik na ang number coding mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, mula Lunes hanggang Biyernes maliban na lang kung may holiday, ayon sa MMDA.

Mananatili naman ang alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi na coding.

Sa ilalim ng coding, bawal bumiyahe sa mga partikular na araw ang mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa: 

  • Lunes - 1, 2
  • Martes - 3, 4
  • Miyerkoles - 5, 6
  • Huwebes - 7, 8
  • Biyernes - 9, 0

Mistulang balik na rin kasi sa pre-pandemic level ang sitwasyon ng trapiko sa EDSA, isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Sa datos ng MMDA, nasa 400,000 kada araw ang vehicle volume sa EDSA bago ang COVID-19 pandemic pero ngayo'y nasa 380,000 na ito.

Inaasahang mas dadami pa ang mga sasakyan dahil sa nalalapit na balik-eskuwela ng mga estudyante.

Pero ayon sa grupong The Transport Forum, dapat kasabay ng pagbabalik ng number coding ay ang pagdagdag ng mga public utility vehicle para sa mga motoristang mapipilitang mag-commute dahil sa coding.

Ayon sa MMDA, nakipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa dagdag na bus sa EDSA Bus Carousel at pagkakaroon ng libreng sakay sa umaga mula Commonwealth Avenue hanggang Rotonda. 

— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.