Pagkuha ng ECQ ayuda sa Parañaque, hinigpitan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2021 12:56 PM | Updated as of Aug 12 2021 11:41 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigpit na sinisilip sa labas pa lang ng distribution center sa Barangay San Dionisio, Parañaque City ang mga dalang ID at dokumento ng mga benepisyaryo ng ayuda sa unang araw ng pamamahagi nito.

Iniisa-isa ng mga tauhan ng barangay kung may dalang orihinal na ID at orihinal na pirma ang mga maagang pumila sa labas ng San Dionisio Gym.

Kaya may ilan tulad ni Lorna Aquino na nag-aalala dahil ang isa niyang benepisyaryo ay ang anak niyang nasa Palawan.

Pinakunan na lang niya sa cellphone ang pirma at ID nito para maisama sa ayuda.

Sabi ng barangay, ginawa ito para maiwasan ang pamemeke ng dokumento.

Ayon kay Rexy Malillim, ang treasurer ng Barangay San Dionisio, target nilang matapos maipamigay ang ayuda sa 1,500 na pamilya ngayong Miyerkoles.

Kailangan nilang ipagkasya ang pamamahagi sa 15,000 families sa loob ng 10 araw na itinakda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sabi ng barangay, kapag hindi nila natapos ngayong araw ang kanilang target na 1500 katao ay pwede itong ipamahagi sa ibang araw. Nagbabala rin sila sa mga naka-quarantine na susubok pa rin pumunta.

Malaking tulong ang ayuda ngayong ECQ para sa mga benepisyaryo tulad ng buntis at walang trabaho na si Richie Agravante.

Agad naman ipambibili ng pagkain ng lolong si Milaño Ebordo ang ayuda.

Kasabay din ng bigayan ng ayuda sa barangay ang distribution sa 3 pang barangay—ang Vitalez, Tambo, at San Isidro, kung saan isasagawa ang ceremonial payout na pangungunahan ng DSWD. 

May alokasyon na P556 million ang Parañaque para sa nasa kalahating milyong pamilya.