PatrolPH

Mas agresibong pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga manggagawa ipinanawagan

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2021 08:01 PM | Updated as of Aug 12 2021 08:00 PM

Watch more News on iWantTFC

Patuloy ang panawagan para sa mas agresibong pagbabakuna kontra COVID-19 sa sektor ng mga manggagawa, na kinakikitaan ng pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), dapat tutukan ang supply ng bakuna para sa mga manggagawa dahil hindi naman problema ang vaccine hesitancy sa sektor na ito.

"Sila na nga 'yong nangungulit [na magpabakuna]... kulang 'yong vaccine. So 'yon ang asikasuhin sana natin, kalimutan na 'yong pananakot," ani ECOP President Sergio Ortiz-Luis.

Sa datos ng Department of Health, pinakamaraming tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas ang nasa age group na 25 hanggang 29, na sinusundan ng 30 hanggang 34, 20 hanggang 24, 35 hanggang 39, at 40 hanggang 44. Ang mga ito ang mga edad na bahagi ng labor force.

Higit 3 milyon nang A4 o economic frontliner ang nabigyan ng unang dose ng COVID-19 vaccine habang 1.7 naman ang fully vaccinated.

Pero maliit na porsiyento lang ito kompara sa kabuuang bilang ng mga manggagawa, na nasa 45 milyon, ayon sa June 2021 Labor Force Survey.

Samantala, sa monitoring naman ng Defend Jobs Philippines at iba pang labor group, lumabas na problema pa rin sa ngayon ang hawahan ng COVID-19 sa mga opisina.

Isa raw sa mga dahilan nito ay ang takot ng mga manggagawang mawalan ng sahod sa oras na magpakita ng sintomas.

"May mga report tayo na 'yong mga manggagawa natin, kahit medyo may nararamdaman ay hindi nila sinsasabi kasi takot sila sa 14-day quarantine na wala silang kita," ani Defend Jobs spokesperson Christian Lloyd Magsoy.

Kaya nanawagan ang mga labor group para sa paid quarantine leave at iba pang social protection para sa mga manggagawa.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.