Tanggapan ng Department of Health. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA - Nakitaan ng ilang umano'y kakulangan sa tamang panghawak sa pondo para sa pandemya ang Department of Health, ayon sa ulat ng Commission on Audit na inilabas ngayong Miyerkoles.
Ibinunyag ito sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, partikular na sa Metro Manila na ngayo'y naka-lockdown dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng sakit at pagpuno ng mga ospital.
Sa ulat ng COA, sinasabing kabilang dito ang higit P5 bilyong halaga ng mga binili ng ahensiya na walang kaukulang dokumento at higit P194 milyon na hindi umano pabor sa gobyerno.
Tinatayang higit P1.45 bilyong donasyon naman ang wala ring sapat na dokumento.
Nasa higit P69 milyon din umanong medical equipment at supplies ang na-procure pero hindi nagamit o hindi agad nagamit dahil sa mga dahilang maiiwasan naman kung nasundan nang maayos ang procurement planning, ayon sa COA.
"This condition affects the utilization of COVID-19 funds vis-a-vis the agency’s implementation capabilities and its response to the urgent healthcare needs during the time of state of calamity/national emergency," sabi ng COA sa pahayag.
Sagot naman ng Department of Health na "accounted for" ang mga pondo at kompleto sa dokumentasyon ang pondong tinutukoy ng COA.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na bagama't kinikilala ng ahensiya ang findings ng COA ay patuloy nilang inaayos ang compliance issues at mga deficiency na itinuturo ng COA.
"The P67.3 billion is accounted for. Wala pong kinurakot, inilaan natin ang mga pondong ito para sa ating mga kababayan. The flagged issues are being addressed by the DOH. Rest assured, that the funds allotted to the DOH are all spent for the procurement of test kits, PPEs, payment of HCWs benefits, salaries of HRH among others,” ani Health Secretary Francisco Duque III sa isang pahayag.
Paliwanag pa ng DOH na sa P78.7 bilyong COVID-19 funds na natanggap ng ahensiya base sa mga ulat ng COA ay nagamit na ang P68.9 bilyon magmula Disyembre 31, 2020 para sa COVID-19 response ng gobyerno.
-- May mga ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.