PatrolPH

Ayuda handog sa ilang evacuee sa Lemery, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2021 08:13 PM

Watch more on iWantTFC

Sa modular tent lang sa municipal covered court ng Lemery, Batangas tumutuloy ang pamilya ni Jackielyn Galit.

Binaha kasi ang tirahan nina Jackielyn sa Barangay Palanas dahil sa malakas na ulan noong mga nakaraang linggo.

"Naaawa ako sa mga bata, sa lagay naming ito, malamig ang sahig, walang pagkain," sabi ni Jackielyn.

Kasama ni Jackielyn ang kaniyang biyenang si Melenguas Galit, na nag-aalala rin sa kaniyang isang buwang gulang na apong inaalagaan sa evacuation center.

"Nag-iisip ako baka makasagap ng sakit... 'yong mga bata medyo nagkakalagnat, 'yong iba nagsusuka," ani Melenguas.

Sa Purok 1 naman sa Palanas, hindi na bumaba ang tubig-baha mula nang tamaan ng Bagyong Ulysses noong nakaraang taon.

Kaya higit sa 30 pamilya ay 8 buwan nang nakatira sa mga tent habang naghihintay ng pabahay.

"Wala na po kasi kaming mapupuntahan na," sabi ng lumikas na residenteng si Michelle Yaras.

Para makatulong sa mga residente ng Lemery, dinalhan sila ng ABS-CBN Foundation ng bigas, pang-ulam na karne, at gatas.

Nagbigay din ng inuming tubig na ambag ng ilang pribadong grupo.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.