PatrolPH

8 sasakyan nagkarambola sa Valenzuela matapos mawalan ng preno ang 1 trak

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2021 06:39 AM | Updated as of Aug 11 2021 06:58 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nagkarambola ang 8 sasakyan matapos mawalan ng preno ang isang trak sa Paso de Blas, Valenzuela nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV, nakitang bumangga ang trak sa isang pulang SUV, at sa lakas ng impact nakaapekto ito sa iba pang mga sasakyan.

Nakita sa CCTV na bumangga ang isang sasakyan sa poste, at nadamay ang 7 iba pang sasakyan. 

Nangyari ang insidente 11:24 ng umaga, Martes, sa may Malinta-Paso de Blas sa Valenzuela. Pababa ang kalsada kung saan nangyari ang aksidente.

Kuwento ng isang biktima na si Evaland Carandang, nagmamaneho sana siya papunta sa vaccination site para magpabakuna nang maaksidente.

" 'Pag bangga sa'kin, tingnan ko pa lang sa rearview mirror, nagulat na lang ako. Umikot na pala sasakyan ko ng 45 degrees. Tapos biglang 'yung truck na 'yung babangga sakin," ani Carandang.

Nakausap ni Carandang ang driver na nagsabing nawalan siya ng preno.

Pauwi na sana sa garahe ang 10-wheeler nang maaksidente.

Hindi na nakatuloy pa si Carandang sa kanyang vaccination schedule.

Humarap naman aniya ang kinatawan ng kumpanya ng truck at nagsabing sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagawa ng mga sasakyan.

Nagtamo ng minor injuries ang mga sakay ng mga sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.