Higit 300 katao, huli sa paglabag sa quarantine measures sa Muntinlupa

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2020 12:05 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Aabot sa 305 katao ang nahuli ng Muntinlupa City Police kasunod ng ikinasang Oplan Galugad para matiyak na sumusunod ang mga residente ng lungsod sa coronavirus disease quarantine protocol.    
    
Kabilang sa mga hinuli ang mga lumabag sa curfew hours, ang hindi tumugon sa mandatory na pagsusuot ng facemask, paglabag sa pass system at liquor ban, at iba pang paglabag na may kaugnayan sa ipinatutupad na modified enhanced community quarantine para ihinto ang paglaganap ng COVID-19.     
    
Nakaatang ang multang P1,000 sa mga lumabag sa 8 p.m. to 5 a.m. curfew, habang P2,000 multa naman ang naghihintay sa lumabag sa liquor ban, at P5,000 ang ipapataw sa mga establisimyentong magbebenta ng alak. Posible ring matanggalan ng business permit ang mga ito, at mapatawan ang may-ari ng isang taong pagkakakulong.    
    
Sa tala naman ng Public Information Office ng Muntinlupa, base sa datos noong Agosto 9, mayroon nang 1,984 confirmed COVID-19 cases ang lungsod, kung saan 1,169 ang gumaling at 89 naman ang nasawi.