MAYNILA - Sa kabila ng umiiral na modified enhance community quarantine, isang mas mahigpit na lockdown, hindi pa rin bumababa ang bilang ng COVID-19 patients na nangangailangang ma-admit sa ospital.
“Ilang araw pa lang naman pero nakikita ko mas dumadami pa ata ang pumupunta dito sa amin. Maraming dialysis patients ang hindi namin mahindian. Ang number of health workers affected mataas pa rin, puno pa rin ICU, dedicated ward, lalo na ang emergency room na kinakailangan sa may tent 'yung iba naghihintay. Walang pagbabago,” pahayag ni Dr. Rose Marie Liquete, executive director ng National Kidney and Transplant Institute.
Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, sinabi ni Liquete na hindi pa nila ramdam sa ngayon ang epekto ng MECQ.
Matatandaang ibinalik ang Metro Manila at mga kalapit na probinsya sa MECQ noong Agosto 4 at tatagal ito hanggang Agosto 18. Ayon sa Malacañang, malabo nang mapalawig ito.
Sa ngayon aniya, higit 100 ang kanilang COVID-19 patients na dati-rati ay nasa mga 90 lamang.
“Pakiramdam namin umakyat pa rin, wala pa siyang effect pa,” sabi niya.
Kuwento niya hirap din sila sa manpower kung saan nasa average na 4 na health workers ang nagpo-positive sa sakit pero mild o asymptomatic.
Aniya, nagsara na rin sila ng ibang units o wards dahil hindi na sila makapag-admit ng mga pasyente doon.
“Sa ngayon, 5 units na ang ‘di pa binubuksan. 'Pag dumami pa talaga ang mag-positive, malamang magsara kami ng ibang units. Ang sinasara namin mga for non-COVID,” sabi niya.
Magugunitang inilagay muli sa MECQ ang Metro Manila at kalapit na mga probinsya dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 bilang tugon na rin sa panawagang time out ng medical frontliners.
Paniwala ni Liquete na disiplina ng bawat Pilipino pa rin ang mahalaga.
“It’s more of the control ng mga tao sa labas, not really kailangan pang mag-ECQ tayo disiplinahin din natin ang mga tao,” sabi niya.
Isa rin aniya sa mga dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 ay dahil sa pagtaas ng case finding at naging mas aware ang mga tao.
“Plus nagiging conscious na rin ang tao na konting ubo, sipon patingin agad so may ganyan din kaso, ‘di naman sila positive, unlike before ‘di nila alam hanggang sa malala na sila,” sabi niya.
Tulad ni Liquete, naobserbahan din ni Dr. Norberto Francisco, tagapagsalita ng Lung Center of the Philippines, na tila hindi pa rin bumababa ang bilang ng nagpopositibo sa sakit.
“Ang COVID, bago mag manifest 'yan may incubation period ng 2 to 14 days. So if we're just into 1 week of the MECQ, it’s expected na 'yung mga nagkasakit or nahawa even before the MECQ, naka GCQ (general community quarantine) pa tayo, puwedeng ngayon pa lang nagma-manifest,” paliwanag niya.
Kada araw umano ay naglalaro sa 200 hanggang 300 ang nagpupunta sa kanilang triage kumpara noon buwan ng Marso at Abril, kung kailan marami na aniya ang 60 to 80 na dumarating.
Base sa tala ng Department of Health Martes, pumalo na sa 139,538 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 68,432 ang gumaling at 2,312 naman ang namatay.
Sinusugan naman ni Francisco ang pananaw ni Liquete hinggil sa kahalagahan ng disiplina para hindi na kailanganin pang palawigin ang MECQ.
“'Yun lang ang gusto namin, sumunod ang mga tao sa mga patakaran. Agree ako na kailangan lang talaga sumunod ang mga tao because we understand that there should be a strike of balance between the economy of the country and the health situation. But then again, health is wealth. 'Pag nagkasakit po tayo bale wala ang economy namin,” sabi niya.
Limitado din sila sa manpower dahil marami rin ang nagkakasakit.
“Pagkalimitado ang manpower kahit may kapasidad ang ospital limitado din kayang aalagaan,” sabi niya.
Dagdag niya na nasa mga 60 hospital staff ang nagka-COVID simula Pebrero at tanging 10 o 11 na lamang ang active cases sa ngayon.
Metro Manila MECQ, Metro Manila lockdown updates, Philippines COVID-19 updates, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center,