PatrolPH

Kapayapaan, pagkakaisa hiling sa paggunita ng Eid al-Adha sa Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2019 12:19 PM | Updated as of Aug 11 2019 06:36 PM

Watch more on iWantTFC

COTABATO CITY -- (UPDATE) Kapayapaan at pagkakaisa ang laman ng mga dasal ng libo-libong Muslim na nakiisa ngayong Linggo sa paggunita ng Eid al-Adha sa Office of the Chief Minister (OCM) grounds sa lungsod na ito.

Pinangunahan ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) interim Chief Minister Murad Ebrahim ang congregational prayer at ipinagdasal ng mga Muslim ang umano'y patuloy na pakikipaglaban para makamit ang good governance sa bagong tatag na rehiyon.

"We are now in another level. Ang kalaban natin ngayon is no longer the Armed Forces of the Philippines. In fact, we now agreed to lay down our arms, shifting the struggles from arm struggle to governance," ani Ebrahim.

Sakripisyo para kay Allah naman ang laman ng mensahe ni Bangsamoro Grand Mufti Abu Hurairah Udasan.

"Our role here is to follow the footsteps of prophet Mohammad in this commemoration. Take it into account and in our daily life," ani Udasan.

Niratipika noong Enero ang Bangsamoro Organic Law na nagbigay-daan sa pagbuo ng bagong rehiyon na BARMM.

Kasunod ng congregational prayer, namahagi ng mga food pack sa lahat ng nakibahagi sa paggunita.

Nagdaos din ng paggunita sa Eid al-Adha sa ilang lugar sa Metro Manila kasama ang Quezon Memorial Circle sa Quezon City at Golden Mosque sa Quiapo, Maynila.

Sa Tacloban City, libo-libo rin ang nagtipon para magdasal kabilang ang mga bakwit mula Marawi.

Nakiisa rin sa paggunita ng Eid al-Adha sa Marawi City si United Arab Emirates Ambassador to the Philippines Hamad Saeed Al Zaabi.

Ang Eid al-Adha ay holiday sa Islam na gumugunita sa sakripisyo ni Abraham bilang pagsunod sa utos ni Allah.

-- May ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.