2 bangkay ng lalaki natagpuang palutang-lutang sa Taal Lake

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2019 02:26 PM

TANAUAN CITY, Batangas — Natagpuang palutang-lutang ang 2 bangkay ng lalaki sa Taal Lake nitong Biyernes at Sabado.

Narekober ang unang bangkay sa Barangay Bañadero noong Biyernes, habang ang ikalawa nitong Sabado sa Barangay Ambulong.

Ayon sa isang kagawad ng Barangay Ambulong, nasa kalagitnaan sila ng kanilang sesyon nang matanggap ang impormasyon tungkol sa bangkay.

“May tumawag pong taga-rito na nagka-kwan po sila ng mga hayop, nagsusugap, eh napadaan sila, nakita daw nila. Noong papalapit na, nakita nilang tao kaya ini-report kaagad sa amin bilang kami’y nasa sanggunian,” ani kagawad Fabian Anacan.

Nasa state of decomposition na ang mga bangkay na ayon sa ilang residente ng Ambulong ay posibleng mga biktima ng summary execution.

Nahihirapan ang pulisya na kilalanin ang mga biktima dahil wala silang nakuhang personal na gamit sa mga ito.

Umaasa silang makikilala ng mga kaanak ang mga biktima sa pamamagitan ng mga tattoo nito sa katawan.

Ikinaalarma naman ni Barangay Ambulong chairman Alyssa Panganiban ang pangyayari.

“Nagugulat kami dahil ngayon lang nangyayari sa aking pagkakaupo at saka sa mga nagdaan naming taon, ngayon lang nangyari dito sa amin sa Ambulong,” aniya.

Hinala ng pulisya, pinahirapan bago pinatay at itapon sa lawa ang dalawa.

Posible din umanong ginawa ang krimen sa ibang lugar at napadpad lang sa lawa na sakop ng Tanauan City ang bangkay dahil sa masamang panahon.

“Maging mapagmatiyag po tayo at unang-una, kung may nangyayari pong insidente ng patayan, immediately i-report agad sa amin. Kung may natatanggap silang mga, halimbawa shooting incident, then i-report agad, baka konektado ito doon sa lugar ng sa na-recover,” ani Police Lt. Geronimo Manalo, assitant chief public information officer ng Tanauan City Police.

Wala pang malinaw na lead ang pulisya sa pagpatay sa mga biktima pero tinitingnan umano nila kung konektado ang 2 pagpatay.

Hinihikayat ng pulisya ang sinuman na may nawawalang kaanak na makipag-ugnayan sa kanila kung nais kilalanin ang mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.