SOCO: 36 anyos na babae, binaril ng live-in partner sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 03:11 PM

 

Patay ang 36 na anyos na si Nailyn Tañedo matapos magtamo ng isang tama ng bala sa dibdib mula sa kaniyang live-in partner na si Dennis Reyes sa Tarlac noong Disyembre 31, 2016. 

Patay rin sa pamamaril ang bayaw ng biktima na si Jay Salac dahil sa tama ng bala sa ulo.

Dahil crime survivors na sina alyas "Tere" at "Gigi" ay agad na natukoy ang pagkakakilanlan sa suspek.

Ayon sa imbestigasyon, nasa labas ng kanilang tahanan ang nakatatandang kapatid ng biktima na si Tere at anak nitong si Gigi nang biglang dumating si Reyes.

Noo'y hinahanap ng suspek si Tañedo pero hindi lumabas ang biktima dahil sa takot.

Imbes na huminahon, pinaputukan ni Reyes sina Tere at Gigi.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa tuhod si Tere. Nahagip din siya sa ulo ngunit hindi ito direktang tumama.

Sinubukang tumakbo ni Gigi pero naabutan siya ng suspek. Sakto namang pinrotektahan siya ng kaniyang amang si Salac.

Dahil sa nangyaring putukan, lumabas si Tañedo at kaniyang amang si Feliciano para pakalmahin ang suspek. Binaril ni Reyes si Tañedo at dali-daling tumakas.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na matinding umano pagseselos ang motibo sa krimen.

Sinampahan si Reyes ng two counts of murder at two counts of frustrated murder.

Makalipas ang dalawang taon, isang "Cardo Dimaano" ang nahuli ng mga pulis sa bayan ng Tiaong, Quezon. Tugma ang deskripsyon ng naturang Dimaano kay Reyes.

"Nu'ng identified na siya nu'ng family, siya rin mismo sa sarili niya, umamin siya," banggit ni SPO4 Alberto Caliolio ng Tarlac police.

Kinakaharap din ni Reyes ang kasong homicide sa Isabela, isang kasong murder sa bayan ng Candelaria, Quezon, at kasong pagtutulak ng droga sa Tiaong.

Sinubukang hingin ng ABS-CBN SOCO ang panig ng suspek ngunit tumanggi na siyang magbigay ng anumang pahayag tungkol sa kaso.

Malaki naman ang pasasalamat ng dalwang crime survivors na nakakulong na ang suspek.

Sundan ang buong kuwento sa ikalawang episode ng “SOCO: CRIME SURVIVORS” ngayong Sabado, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.