2 lalaki, timbog sa buy-bust sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 11:42 AM

Mula Cotabato City umano ang pinagkukunang supply ng shabu ng mga suspek. 

DAVAO CITY – Dalawang lalaking sinasabing nasa drugs watchlist ng awtoridad bilang mga high-value target ang naaresto habang nakatakas naman ang isa pa sa magkasunod na buy-bust operation.

Unang naaresto nitong Biyernes ng gabi si alyas Mark sa Bangkal sa lungsod na ito at nakuha sa kaniya ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P20,000 at mga drug paraphernalia.

Inaresto rin sa operation ngunit nakatakas si alyas To. Nakuha naman sa kaniya ang nasa 5 gramo ng shabu na may street value na P34,000.

Sabado naman ng madaling araw nang madakip si alyas Paolo sa Magallanes Street at nasamsam sa kaniya ang dalawang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Region 11, itinuturing high-value target ang mga suspek dahil kasama sila ng mga prominenteng tao na nagbebenta sa mga mayayaman sa siyudad at hindi bababa sa 1 gramo ng shabu ang kanilang ibinebenta sa halagang aabot sa P10,000.

Napag-alaman rin na mula Cotabato City ang supply nila ng shabu.

Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.