Kolumnista sugatan matapos pagbabarilin sa Batangas City

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 06:13 PM

Pinagbabaril ang isang kolumnista sa kanyang bahay sa Batangas City, Miyerkoles ng gabi. Photo courtesy of Batangas Philippine National Police.

Sugatan ang isang kolumnista matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Batangas City nitong Miyerkoles.

Halos 40 taon nang nasa industriya ng pagbabalita sa Batangas si Crisenciano Ibon o mas kilala bilang Cris Ibon. Ilang dekada na umano syang kolumnista sya sa isang dyaryo.

Pero sa tagal na niya sa serbisyo, ngayon lamang niya naranasan ang isang pangyayaring muntik nang bumawi sa kanyang buhay.

Nanood umano sila ng telebisyon sa bahay noong Miyerkoles ng gabi kasama ang kanyang driver na si Gerry Ebreo nang biglang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

“Parang pinalo ang bintana ng dos por dos, sabi ng driver ko binabaril tayo. Parang may tumadyak na kabayo din sa likod ko, nagsungaba na ako at napadapa, manhid ang katawan ko. May tama ako,” ani Ibon.

Nagtamo ng tama sa balikat si Ibon habang sa braso naman tinamaan si Ebreo.

Kaagad silang naisugod sa ospital matapos ang pamamaril.

Ayon kay Ibon, tingin niya ay konektado sa kanyang trabaho bilang mamamahayag ang pamamaril. Wala raw kasi siyang personal na nakaalitan na posibleng gumawa nito sa kanya.

"Nitong mga nakaraan araw, masyadong mainit ang aking pagtalakay sa mga ilegal gambling at drugs lalo na sa baklayan o saklayan sa Padre Garcia," ani Ibon.

“Wala namang ibang dahilan eh wala naman ako pinerwisyong tao, ‘di naman kasi ako tulad ng iba na taga-riyan ako ay kolumnista na mamamatay sa perwisyo,” dagdag niya.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril. 

Bumuo na ng isang special investigation task group ang Batangas Police Provincial Office para sa mas masusing imbestigasyon sa krimen.

Dalawang peryodista ang napatay nitong nakaraang linggo lamang. Ang brodkaster na si Rudy Alicaway at kolumnistang si Leo Diaz ang pangatlo at pang-apat na peryodistang napatay simula nang umupo si Pangulong Duterte.

Patay naman sa pamamaril ang dating peryodista na si Michael Marasigan at kapatid nito noong Agosto 4 sa San Juan City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.