2 patay, 17 sugatan sa salpukan ng truck at jeep sa Bataan

Joey Rebate, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 11:48 AM | Updated as of Aug 11 2017 12:51 PM

Dalawa na ang patay sa naganap na salpukan ng pampasaherong jeep at isang 14-wheeler truck Biyernes ng umaga sa Barangay Luacan sa bayan ng Dinalupihan sa Bataan.

Ayon kay Chief Inspector Eduardo Guevara, hepe ng Dinalupihan Police, 19 ang kataong dinala sa mga pagamutan pero dalawa sa kanila ang binawian na ng buhay.

Isa dito ay si Armando Dacayo, 43-anyos, na idineklarang dead on arrival sa Bataan District Hospital. Isa sa mga pasaherong nasa unahan ng jeepney si Dacayo na tumilapon at nagulungan pa nang magkabangaan ang dalawang behikulo.

Binawian din ng buhay si Norma Estivar, 70-taong gulang.

Ayon sa ilang nakasaksi sa aksidente, may iniwasan umanong kotse ang trak na may plakang UQA 482 na minamaneho ni Raymond Castro, 22-anyos. Kumabig pakaliwa si Castro at nakasalpukan ang kasalubong na pampasaherong jeep na may plakang CWE 372.

Ang trak ni Castro ay naghahakot umano ng buhangin. Hawak na ng Dinalupihan police ang driver ng trak.

Isa naman sa mga nasa kritikal na kundisyon ang driver ng jeep na si Ricky Mangalindan, dating pulis na naka-assign sa Dinalupihan police station.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.