Pamamaril sa anak ng ABS-CBN reporter, 'di nahagip ng CCTV

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Aug 11 2016 11:29 AM | Updated as of Aug 11 2016 01:12 PM

MANILA - Hindi nakuhanan ng CCTV camera ang insidente ng pamamaril sa anak ng isang ABS-CBN correspondent sa EDSA northbound sa Barangay Pag-asa, Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si John Dexter Concepcion, 24 anyos na IT specialist. Anak siya ni Queenie Casimiro ng ABS-CBN News Central Mindanao.

Kwento ng biktima sa kanyang tiyahin, nilapitan siya ng isang lalaking naglalakad lamang at nagdeklara ng holdap.

Pero pumalag anya siya at hindi agad ibinigay ang kanyang cellphone kaya binaril siya ng suspek.

Tumakas ang gunman kasama ang isang kasabwat na naka-motorsiklo.

Tumagos naman ang isang bala sa katawan ng biktima.

Ayon kay PO3 John Michael Espiritu ng Masambong Police Station 2, mayroong CCTV footage ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pinangyarihan ng insidente pero hindi nito nahagip ang mismong panghoholdap.

Naghahanap pa ang pulisya ng iba pang CCTV camera na posibleng nakakuha sa pamamaril.

Ibinahagi naman ng ina ng biktima na nangangailangan pa ng limang bag ng dugong type B positive si Concepcion para sa pangalawang operasyon niya ngayong Huwebes.

Maaaring magtungo sa Quezon City General Hospital ang mga nais mag-donate ng dugo.