Barangay sa Puerto Princesa, apektado ng oil spill

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2016 03:45 PM

PALAWAN - Ikinababahala na ng ilang mga residente ang posibleng masamang epekto ng oil spill sa ilang bahagi ng dagat sa Barangay Masipag, Puerto Princesa City.

Sa isang larawan na ipinadala ng isang concerned citizen sa ABS-CBN News team, makikita ang langis sa baybayin ng Barangay Masipag.

Nang puntahan ng news team ang lugar, makikita ang pangingitim ng tubig dagat. Umaalingasaw na rin ang amoy ng langis.

Ilang mga residente ang nababahala sa posibleng masamang epekto ng pagkalat ng langis sa dagat.

Sinubukan ng ilang empleyado ng isang resort sa lugar na bawasan ang pagkalat ng langis sa pamamagitan ng paggamit ng tela, ngunit tila wala itong epekto.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Coast Guard Palawan, nagpunta sila sa lugar bandang alas-10 ng umaga upang magsiyasat at maglinis sa lugar.

Nasa limampung litro ng used oil ang naipon ng Coast Guard. Hanggang ngayon ay blangko pa rin ang mga awtoridad sa pinagmulan ng spillage.

Nakaabot sa kaalaman ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC) ang nangyaring oil spill. Ayon dito, posibleng makaapekto sa marine life ang nangyaring pagtagas ng langis.

Hindi rin umano dapat ipagsawalang bahala ito ng mga awtoridad.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Coast Guard sa lugar upang matukoy ang pinagmulan ng naganap na pagtagas ng langis.