PatrolPH

Mataas na bayad sa kuryente kahit brownout, inalmahan sa Oriental Mindoro

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2022 03:38 PM | Updated as of Aug 10 2022 07:33 PM

Watch more News on iWantTFC

Umalma ang ilang residente ng Oriental Mindoro kung bakit tumaas ang kanilang singil sa kuryente gayong madalas naman ang pag-brownout.

Isa rito si Ricardo delos Reyes, na ikinuwentong noong Marso na panahon ng tag-init ay nasa halos P6,000 lang ang kaniyang electric bill.

Pumalo aniya ito sa P12,000 noong Hunyo at P8,500 noong Hulyo.

"Kasi almost 4 hours to 6 hours ang brownout tapos pagdating ng bill, umabot po ng P11,800," ani Delos Reyes.

"Nagtataka kami. Sabi nila dahil sa konsumo namin. Paano kami kokonsumo nang malaki kung lagi brownout, saan nanggaling 'yon? Napakataas po talaga," dagdag niya.

Dahil panay brownout, nagkakasakit na umano ang mga anak ni Delos Reyes kaya bumili sila ng generator.

Kasama ang biglang pagtaas ng electric bill sa mga bubusisiin sa ipatatawag na Senate hearing ni Sen. Raffy Tulfo kaugnay sa mga power interruption sa bansa.

Ipinaliwanag naman ni Humprey Dolor, acting general manager ng Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO), nagbabago ang taripa o presyo ng ibinibigay na kuryente ng mga planta na gumagamit ng fuel o diesel kaya nagkakaroon ng pagtaas sa electric bill.

"Huwag nating pagbasehan natin 'yong gamit lang ng kuryente. Tingnan natin gaano karami ang iyong sinaksak during the time na mayroong kuryente," ani Dolor.

"Halimbawa, na-drain ka maghapon dahil walang kuryente, noong nagkakuryente, sinaksak mo lahat ng cellphone mo, inihanda mo ang iyong mga gamit na icha-charge. Malamang nagdoble ang konsumo noon," paliwanag niya.

Dismayado na rin si Calapan City Mayor Malou Morillo sa palaging brownout na nakakaapekto sa mga negosyo.

"Marami na ring nag-close na mga establishment dito kasi dahil nga ng kuryente namin," ani Morillo.

Sa usapin naman ng madalas na brownout, sinabi ni Dolor na 3 buwan nang hindi nakakapag-produce ng kuryente ang windmill sa Puerto Galera at kapos rin ang suplay ng mga mini-hydro plant kaya nagakakaroon ng problema sa suplay ng kuryente.

Pero ngayon umano ay nasa 56 megawatts na ang available na power supply kaya stable na ang suplay ng kuryente sa Oriental Mindoro.

Handa naman ang ORMECO na humarap sa imbestigasyon ng senado.

Magugunitang noong Hulyo, nagdeklara ng state of power crisis ang karatig-probinsiyang Occidental Mindoro dahil din sa madalas na pag-brownout.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.