PatrolPH

Nurse, barangay nagtalo sa patakaran sa mga pinalalabas ng lockdown area

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2021 08:12 PM

Watch more on iWantTFC

Nagkatensiyon sa isang lugar na nasa ilalim ng special concern lockdown sa Barangay Doña Imelda, Quezon City dahil nagpumilit lumabas ang isang authorized person outside residence (APOR) na papasok sana sa trabaho.

Papasok sana sa duty sa ospital ang naturang APOR, na isang nurse, nang harangin siya ng bantay ng barangay.

Paulit-ulit iginiit ng nurse at 2 kapwa niya APOR na pinapayagan naman silang lumabas ng bahay pero tinanggihan pa rin ng mga tauhan ng barangay ang kanilang hiling.

Kalauna'y humingi na ng responde ang bantay sa mga pulis at kagawad na nangangasiwa ng health committee ng baranagy para ipaliwanag sa APOR ang utos ng local government unit.

Base sa memorandum, kapag lumabas ang APOR ay hindi muna ito papayagang makabalik sa lugar.

Nilinaw ni Dr. Rolly Cruz, hepe ng Quezon City epidemiology and surveillance unit, na tama ang barangay.

Binibigyan umano ng pagkakataon ang mga APOR na mamili kung gusto nila sa labas o loob ng lockdown area bago pa man ito ideklara.

Maaari lang bumalik ang APOR matapos ang 2 linggo o pagkatapos ng lockdown, at kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR test, ani Cruz.

Kung lalabas ng komunidad, dapat sagutin ng employer ang magiging accommodation ng APOR, ani Cruz.

May 5 kaso ng COVID-19 ang naitala sa nasabing lockdown area.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, umabot na sa higit 4,000 ang active COVID-19 cases sa Quezon City.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.