PatrolPH

25 crew ng RoRo na positibo sa COVID-19, nananatili sa barko

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2021 10:44 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nananatili sa loob ng barkong nakadaong sa Batangas ang 25 crew ng RoRo vessel na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Barangay Port Manager Joselito Sinocruz, lumalabas umano sa pag-iimbestiga ng mga health official na may dalawang bumaba sa Batangas bago pa umalis ang RoRong St. Anthony de Padua ng 2Go patungong Caticlan.

“Meron pong nanakit di umano ang dibdib kaya ibinaba, ipinunta sa ospital dito at lumargang Caticlan meron silang sakay na 134,” sabi ni Sinocruz.

Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, pabalik na ang barko mula Caticlan noong Agosto 4 nang nalaman nilang nagpositibo ang una nilang dalawang ibinabang pasahero matapos na mai-swab ng ospital sa Batangas.

“Kung ang pagbabasehan natin ay yung pong biyahe, bago sila umalis patungong Caticlan kinuha ko rin po ang detalye. Nag disembark ng 222 na pasahero (sa Batangas) kasama ng dalawa doon,” sabi niya.

Hindi na umano nila kasama ang dalawa nang naglayag na patungong Caticlan ang RoRo sakay ang 134 na mga pasahero noong Agosto 1.

“Base sa 2Go nakausap ko, meron daw na hiwalay na lugar ang crew. Pero sa haba ng biyahe, 12 hanggang 15 oras may posibilidad na nakakausap nila ang mga ito,” sabi ni Sinocruz.

Kanilang ibinahagi na ang mga detalye nakuha nila sa mga health official para makatulong sa imbestigasyon at contact tracing.

"Maliban sa may manifesto na hawak ang PPA, meron din tayong tinatawag na S-Pass. Maraming gagamitin na tool ang ating contact tracers kung sakaling iconsider nila itong mga pasaherong ito na dapat pong hanapin,” sabi niya.

- TeleRadyo 10 Agosto 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.