Pinagbabaril na American human rights defender sa Ifugao kritikal pa rin

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 11:57 AM | Updated as of Aug 10 2019 04:52 PM

Kritikal pa rin ang lagay ng Chinese-American human rights defender na si Brandon Lee matapos na pagbabarilin nitong Martes ng gabi sa Barangay Tungod sa Lagawe, Ifugao province.

Agad na kinondena ng Cordillera People’s Alliance at Ifugao Peasants Movement (IPM) ang nangyaring pamamaril kay Lee.

Si Lee ay miyembro din ng IPM at matagal nang tumutulong sa kanila.

Itinuturo ng mga grupo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hinala nila ay responsable sa pamamaril kay Lee. Ito’y matapos may ilang beses na umanong pinuntahan si Lee ng mga sundalo.

Nauna nang iniugnay si Lee sa komunistang New People's Army. Nasa Pilipinas si Lee mula pa noong 2010. 

“Laging pumupunta sa amin ang 5th ID (Infantry Division). In-offer din nila si Brandon kung puwede ay magsama sila or mag-partner sa activities nila pero ayaw ni Brandon,” sabi ni Nestor Peralta ng IPM.

Kuwento naman ni Myra dela Cruz, tagapagsalita ng Cordillera Human Rights Alliance, simula pa noong 2015 nakatanggap na ang kanilang opisina at si Lee ng burial blanket.

“Nakalagay na they will face the same with what happened to [William] Bugatti and [Ricardo] Mayumi na namatay last year,” sabi ni Dela Cruz.

Nais nila na isama ang 54th Infantry Battalion ng Philippine Army sa imbestigasyon dahil ang AFP rin umano ang may gawa sa pagpaslang kay Bugatti.

“Kung ‘di nila ginawa 'yun, patunayan nila 'yan. In those two cases, the same happened and points to the AFP. Itong kay Brandon Lee, walang napanagot and nakakatakot na baka mangyari na naman na walang managot. Kami ay nananawagan sa gobyerno, institusyon na maimbestigahan agad ang kaso ni Brandon Lee,” sabi ni Bestang Dekdeken, secretary general ng Cordillera Peoples Alliance.

Sa inilabas na press release ng 5th ID, sinabi nitong walang basehan ang grupo sa pagturo sa kanila. Inaalam din nila kung ano ang nasa likod ng nangyaring insidente base sa mga ebidensya.

Hindi naman kumbinsido dito ang grupo ni Lee.

“Hindi nila puwedeng itanggi. At bilang bahagi ng imbestigasyon, bakit tuloy-tuloy ang kanilang pagbisita at presensya sa amin para sa aktibidad ng IPM at bakit sila nandoon?” dagdag ni Dela Cruz.

Ayon sa Police Regional Office Cordillera, bumuo na sila ng special investigation task group na tututok sa kaso ni Lee.