PatrolPH

2 bahay, mini dump truck nasunog sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 09:59 AM

2 bahay, mini dump truck nasunog sa CDO 1
Bukod sa dalawang bahay, natupok din ng apoy ang isang mini dump truck. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY - Naabo ang dalawang bahay matapos matupok ng apoy sa Anhawon, Barangay Bulua dito sa lungsod, Biyernes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nasunog ang dalawang bahay na pagmamay-ari nina Manolo Arnado at Jhon Mark Sarote.

Bukod sa gawa ang mga ito sa light materials, malakas din ang hangin nang mangyari ang sunog.

Nadamay din sa sunog ang isang nakaparadang mini dump truck.

Ayon sa kapitbahay na si Henry Morre, wala ang mga may-ari ng dalawang bahay nang mangyari ang sunog.

"Paglabas ko, umuusok na ang bahay at bigla na lang itong nagliyab kaya tumawag ako ng saklolo sa aking mga kasama at tulong-tulong kami na magbuhos ng tubig," kuwento ni Morre.

Dagdag nito, dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bombero, naiwasang masunog ang kalapit na hardware.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, posibleng sa kusina nagsimula ang sunog.

Umabot sa second alarm ang sunog na tinatayang aabot sa P350,000 ang danyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.