1 patay, 2 sugatan sa aksidente sa Benguet

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 03:43 AM

BENGUET—Patay ang isang babae habang sugatan ang 2 lalaki matapos maaksidente ang sinasakyang dump truck sa Tuba, Benguet Biyernes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Tuba Police, may iniwasang kasalubong na sasakyan ang drayber ng dump truck kaya bumangga ito sa poste at saka tumama sa concrete barrier sa Kennon Road sa Camp 2.

Tumilapon sa bangin ang 16 anyos na babae na residente ng Mankayan, Benguet. Nakisakay lang daw ito sa dump truck na papunta sa Barangay Camp 1.

Kinailangan pa ng rescue unit para makuha ang bangkay ng dalagita sa bangin na tinatayang nasa 100 talampakan ang lalim.

Nagtamo naman ng sugat ang 35 anyos na drayber na residente ng Isabela at 43 anyos na pahinante nito mula sa Tublay, Benguet.

Nagpapagaling pa sa ospital ang pahinante habang nasa kustodiya na ng pulis ang drayber.—Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.