PatrolPH

Keanna Reeves kinasuhan ng cyberlibel matapos 'manlait' sa social media

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 08:17 PM

Sinampahan ng cyberlibel complaint ng isang negosyante ang sexy comedienne na si Keanna Reeves matapos umano siyang lait-laitin nito sa social media. 

Tatlong beses nang nag-perform si Reeves sa food park ni Nancy Dimaranan sa Biñan City, Laguna at ang pinakahuli ay nito lamang Hulyo 14.

Kuwento ni Dimaranan, P5,000 ang ibinayad niya bilang talent fee ni Reeves pero dinagdagan niya ito ng P1,500 matapos umanong humingi ng pamasahe ang komedyante.

"Nagsabi si Keanna na ihatid sila sa Quezon City o Alabang. Sabi ko...sobrang pagod ako and you were given additional P1,500 and then sabi niya okay lang," ani Dimaranan.

Pero laking gulat ng negosyante nang madaling araw ng Hulyo 15 ay nakita niya ang video ni Reeves sa social media kung saan pinagsalitaan daw siya nito nang hindi maganda.

"Sa live video niya, doon na nagsimula ang galit niya. Pinagmumura niya ako, tinawag niyang demonyo, bakla, hayop," hinaing ni Dimaranan.

Depensa ni Reeves, naki-usap lang siyang magpahatid dahil wala siyang drayber ng araw na iyon.

"Napakaliblib na lugar...Sabi namin walang Grab dito, paano uuwi....Pinapag-tricycle mo ako. Imagine, PBB winner ako, pina-tricycle mo ako," saad ng komedyana.

Pero ani Reeves, kailanman ay hindi raw niya nilait ang pagiging transgender ni Dimaranan.

Sa ngayon, hindi na umano nakakapasok sa eskuwela ang dalawang anak ni Dimaranan dahil lagi raw tinutukso ng mga kaklase mula nang maglabas ng video si Reeves.

"Tinutukso sila ng classmates at kalaro nila. Lalaki raw ang mommy nila. Naii-stress po ang anak ko."

"Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin. Wala kang karapatang lait-laitin kami dahil di mo alam ang pinagdaanan namin para magkaroon ng matino at maayos na pamilya," dagdag nito.

Nitong Biyernes, nagsampa na ng reklamong cyberlibel sa Calamba Prosecutor's Office ang food park owner laban sa komedyante.

Naroon din ang ilang miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender (LGBT) community para magpakita ng suporta sa kanilang kaibigan.

Matapang namang sinabi ng sexy comedienne na handa siyang harapin ang reklamo laban sa kaniya.

"Ang magsabi ba ng totoo ay libelous?" aniya.

Una na ring nagsampa ng reklamong libel laban kay Dimaranan si Reeves sa National Bureau of Investigation.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.