Tsuper kritikal matapos tambangan sa Biñan

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 11:21 AM

MAYNILA - Kritikal ang kondisyon ng isang tsuper nang tambangan ito ng 2 salaring nakamotorsiklo sa may Juana 6 Subdivision, Barangay San Francisco, Biñan City, Laguna ngayong Huwebes.

Kinilala ang biktimang si Marco Espenilla, drayber ng jeep na may plakang TYF-576, biyaheng Alabang-Carmona.

Ayon kay PO2 Herbert Marco ng mobile division ng Biñan City police, sinabayan ng mga nakamotor na gunmen ang jeep at saka pinaputukan ang biktima nang makarating sa isang kurbada.

Agad namang itinakbo sa ospital ang tsuper habang nakatakas naman ang mga salarin.

Narekober sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng 9mm pistol. Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.--ulat ni Noel Alamar, DZMM correspondent

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.