Sandiganbayan, ipinaaaresto si Honasan kaugnay ng PDAF scam

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 06:31 PM

Iniutos ng Sandiganbayan 2nd Division ang pag-aresto kay Sen. Gringo Honasan kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Nahaharap sa dalawang kaso ng graft si Honasan dahil sa sinasabing iregularidad sa disbursement ng P30 milyon sa pork barrel funds ng senador noong 2012. 

Maaari namang magpiyansa ng P30,000 para sa bawat kasong ito. Pero Huwebes ng hapon ay hindi pa nakakapagpiyansa ang senador. 

Ayon sa Ombudsman, base sa mga dokumento noong Hunyo 2012, inendorso ni Honasan para mapondohan ang non-government organization na Focus Development Goals Foundation Inc. nang hindi nito sinusunod ang mga kinakailangan upang mabigyan ng pera ang nasabing organisasyon.

Naglabas ng pera mula sa PDAF ni Honasan ang Department of Budget and Management, kasama ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) bilang tagapagpatupad na ahensiya, para sa disbursement sa nauna nang sinabing NGO na gagamitin umano ang pera para sa mga proyektong pangkabuhayan sa mga Muslim na komunidad sa Metro Manila at Zambales. 

Maliban kay Honasan, iniutos din ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa political affairs chief nitong si Michael Benjamin, NCMF Secretary Mehol Sadain; NCMF officials Fedelina Aldanese, Galay Makalinggan, Aurora Aragon-Mabang, at Olga Galido; at Focus Development Goals Foundation Inc. officers Giovannie Manuel Gaerlan at Salvador Gaerlan.

Si Honasan ang ikaapat na senador na makakasuhan para sa kanyang naging papel sa nasabing gimik ng pagpopondo sa mga NGO gamit ang PDAF, na nadiskubre noong 2013. 

Dinidinig din para sa umano'y pagkakadawit sa scam ang mga kaso ng mga dating senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon "Bong" Revilla Jr. 

Idineklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang PDAF ilang buwan matapos maisiwalat ang kontrobersiya. 

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.