Muling pagpapaliban ng barangay elections, isinusulong ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 03:03 PM

Isinusulong ng House of Representatives ang panukalang batas na magpapaliban muli ng barangay elections sa Mayo 2018, ayon sa isang House leader nitong Huwebes.

Sa panayam sa ANC, sinabi ni Citizens' Battle Against Corruption (CIBAC) party-list Rep. Sherwin Tugna na susubukan ng Kamara na maipasa ang panukalang batas bago matapos ang Agosto para mabigyang prayoridad ang mas importanteng panukala tulad ng 2018 budget. 

Iginiit ni Tugna na sapat na dahilan ang kasalukuyang war on drugs ng gobyerno para ipagpaliban ang barangay elections.

Ani Tugna, chair ng House committee on suffrage and electoral reforms, pabor siyang sa Mayo ng susunod na taon na lang isagawa ang nasabing halalan.

Ayon sa mambabatas, hindi naman paglabag sa Konstitusyon ang pagpapaliban ng eleksiyon.

Dagdag niya, apektado ng ilegal na droga ang kalahati ng mga barangay sa buong bansa base sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nauna nang nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang barangay elections dahil sa pangambang baka drug money ang gamitin para pondohan ang kampanya ng ilang kandidato.

Pinag-iisipan din ng Senado ang parehong panukala para magkatugma sila ng bersiyon at makuha ang pag-apruba ng pangulo, ani Tugna.

Noong nakaraang taon, pinirmahan din ni Pangulong Duterte ang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan elections na dapat gagawin ngayong Oktubre ng 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.