Misis ng nahuling drug suspect, arestado sa pagtutulak sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 08:39 AM

MAYNILA - Arestado ang dalawang babae sa buy-bust operation sa E. Rodriguez, Cubao, Quezon City pasado alas-8:00 kagabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Agnes "Monique" Aquino, na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang, at si Marikit "Apple" Areño.

Ayon sa pulisya, matagal nang sinusubaybayan ng mga awtoridad si Aquino na may asawang nakakulong dahil sa ilegal na droga.

Simula nang makulong ang mister, si Aquino na raw ang nagpatuloy ng pagtutulak. 

"Inuutusan lang naman ako pero di talaga sakin 'yan. Pantawid gutom lang," giit ni Aquino.

Nakuha mula kina Aquino at Areño ang 5 sachet ng hinihinalang shabu at marked money na ginamit sa operasyon. 

Nahaharap sila sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.