DPWH, nagbabala: EDSA, nasisira na dahil sa dami ng sasakyan

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 10:04 PM | Updated as of Aug 10 2017 11:53 PM

Nag-abiso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na kailangan nang makumpuni ang EDSA sa lalong madaling panahon dahil unti-unti na itong nasisira.

Babala pa ng DPWH, kapag patuloy na dumami ang mga sasakyang dumadaan sa EDSA araw-araw, isasara ito na magiging sanhi ng mas matindi pang trapiko.

Higit pa umano sa kapasidad ng EDSA ang bilang ng mga sasakyang dumadaan dito kaya unti-unti nang lumalabas ang mga damage na ito.

“Alam natin na nagwe-wear and tear at nasisira ‘yung EDSA. Based on the engineering standards ng DPWH, ang findings ng mga technical na mga tao, ng mga engineers ay kailangan na talagang i-repair. Kung ikukumpara natin ang EDSA doon sa mga main national roads sa ibang bansa, hindi na ‘yan papasa sa ibang bansa,” ani Karen Jimeno ng DPWH.

Nasa 6,000 vehicles per hour per direction lamang ang maximum capacity ng EDSA ngunit tinatayang 6,800 to 7,500 ang dumadaan dito kada oras at sa isang direksiyon kapag peak hours.

Matagal na umanong nakasalang ang road reblocking project o pagkukumpuni sa 23.8 kilometer na daan pero hindi pa ito maumpisahan.

“Can you imagine sa ngayon pa lang lagi nang traffic ang EDSA so kung ayusin pa natin ‘yan ngayon… bawasan mo ‘yan kahit isang lane lang grabe ‘yung magiging impact sa traffic,” ani Jimeno. 

Matinding koordinasyon naman ang ginagawa ng DPWH sa Department of Transportation at Metropolitan Manila Development Authority para makahanap ng alternatibong ruta, magkaroon ng tamang traffic management, at makapagbigay ng alternatibong transportasyon sa milyong commuters sa EDSA sakaling isara ito para kumpunihin. 

Ayon kay Jimeno, may limang taon pang 'manageable' ang problema ng EDSA.
    
Inuuna nila sa ngayon ang pagtapal sa mga sumusunod na kalsada na puno ng butas dahil sa nakaraang bagyo:

⁃ UN Avenue-Taft Avenue;
⁃ P. Burgos Street (Manila);
⁃ Andrews Avenue (Pasay);
⁃ Ninoy Aquino Avenue (Pasay);
⁃ P. Burgos Roxas Boulevard;
⁃ Quezon Bridge;
⁃ Gov. T. Santiago Street (Valenzuela);
⁃ Caybiga Road (Caloocan).

Halos tapos na ang kanilang 'operation pothole' mula sa halos 140 na kalsadang nabakbak, nabutas, at nakayod dahil sa nakaraang pagbaha. 

Walo na lang ang hindi pa tapos gawin at bibilisan na ang pagkumpuni sa mga ito para magamit ang mga alternate routes upang makahinga anila kahit papaano ang EDSA.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.