Ammonia sumingaw sa pagawaan ng yelo sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 08:17 AM

MANILA - Sumingaw ang kemikal na ammonia mula sa isang makina sa pagawaan ng yelo sa Barangay South Triangle, Quezon City Huwebes. 

Ayon sa mga trabahador ng Koinz Jenza ice plant sa Sgt. Esguerra Street, agad silang naglabasan sa planta matapos mapansin ang masangsang na amoy mula sa ammonia. 

Nakatanggap naman ang Bureau of Fire Protection ng ulat mula sa trabahador na si Tito Lanuza na nagsabing sumingaw ang kemikal habang ginagamit niya ang makina sa paggawa ng yelo. 

Naagapan naman umano ang insidente nang buksan ni Lanuza ang blower. 

Tiniyak naman ng BFP na mananagot ang pamunuan ng planta sakaling nag-ugat ang insidente sa pagkukulang nito lalo't ito na ang ika-2 pagkakataon na nagkaroon ng chemical leak sa lugar. 

Nitong Hulyo 8 ang unang beses na sumingaw ang ammonia doon. 
 
Naibalik na sa normal ang operasyon ng planta. -- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.