Abandonadong gamit sa townhouse, pinaghihinalaang may droga

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 08:56 PM | Updated as of Aug 11 2017 02:37 AM

Iniimbestigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang townhouse sa Sampaloc, Maynila matapos madiskubre ang tatlong cylinder na katulad ng mga pinagtaguan ng droga sa Valenzuela. 

Tinawagan ng barangay ang NBI Task Force Against Illegal Drugs nang madiskubre sa isang townhouse ang tatlong cylinder na may nilalamang pinaghinalaang droga. 

Napanood kasi umano nila sa balita ang cylinder na naharang ng NBI at Bureau of Customs sa Valenzuela na pinagtaguan ng droga.

Ani Kapitan Nicanor Padios, "'Yung cylinder katulad nung nakuha sa Navotas, baka drugs din 'yan."

Naunang nadiskubre ng may-ari ng townhouse ang mga cylinder sa loob ng kahon matapos umalis ang dalawang lalaking Taiwanese na nangungupahan noong Mayo. 

Hindi na nila umano alam kung saan na nagpunta ang mga Taiwanese na iniwan na lang ang kargo. 

Ayon sa may-ari ng townhouse, noong Hulyo 2016 pa nangupahan ang mga Taiwanese. 

Sabi naman ng kapitbahay ng mga ito, madalas wala sa bahay ang mga Taiwanese at dumarating lang kapag may dalang kargamento.

Hinihintay pa ang search warrant mula sa korte para buksan ang cylinder.

Ayon sa NBI, iimbestigahan nila kung galing din ba ito sa parehong shipment o warehouse kung saan dati nadiskubre ang kilo-kilong droga na iniimbestigahan ng Kongreso.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.