2 drug suspect patay sa raid sa Pasay City

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 09:07 AM

Ilan sa mga narekober ng pulisya sa pagsalakay sa pinagkukutahan ng mga umano'y drug user. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA - Patay ang dalawang umano'y drug user at arestado naman ang isa pa nang buwagin ng pulisya ang drug session sa isang gusali sa Pasay kagabi.

Kinilala ang napatay na sina Jelmar Gaton, 24, at Reynaldo Bermoy, 42, na ayon sa mga pulis ay naunang magpaputok nang sila ay sumalakay sa isang gusali sa F. Muñoz, Barangay 43.

Aminado ang kaanak ng dalawang napatay na gumagamit ng ilegal na droga ang mga ito. Dagdag pa ng kapatid ni Bermoy, akala niya ay tulog na ang kapatid nang mga oras na iyon.

Narekober ng SOCO ang dalawang kalibre .38 mula sa dalawang napatay, at meron ding mga sachet na may hinihinalang tira-tirang
shabu, gayun din ang mga drug paraphernalia.

Isa sa dalawang umano'y drug user na napatay sa raid sa isang gusali sa Pasay City. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Samantala, naaresto naman ng pulisya ang isang tsuper ng side-car na si Zaldy Quiban na nagtangka pang tumakas. Pero giit nito, natutulog lang siya nang dumating ang mga pulis.

Si Zaldy Quiban, isang pedicab driver, na nahuli rin sa raid. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Ayon kay Fernando Eusebio, chairman ng barangay, matagal nang sakit sa ulo sa kanilang lugar ang mga ilegal na gawain sa sinalakay na gusali.

Patuloy na nananawagan si Eusebio sa mga pulis at residente na magtulungan para mawakasan na ang problema ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.