Pulis sa Isabela, pinaiigting ang operasyon kontra-droga

Harris Julio, ABS-CBN News Isabela

Posted at Aug 11 2016 01:20 AM

SANTIAGO CITY – Tatlong buwan ang ibinigay na taning sa mga pulis upang mapasuko ang mga taong sangkot sa industriya ng iligal na droga, kaya’t pinapaigting ng mga awtoridad ang mga operasyon kontra-droga sa Isabela.

Anim ang arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra-droga na isinagawa ng mga pulis sa Santiago City noong nakalipas na linggo, samantalang ilang daang taong sangkot umano sa iligal na droga ang sumuko sa mga pulis bilang bahagi ng Oplan Tokhang sa Isabela.

Ang Oplan Tokhang ay isinagawa ng Philippine National Police (PNP) upang mapasuko at makumbinsi ang mga taong umano’y gumagamit o nagbebenta ng iligal na droga na magpunta sa rehabilitation center.

Babala ni Police Chief Inspector Jun Gumaru, kumander ng Santiago City Police Station 1, dapat umanong seryosohin ng mga gumagamit at nagtutulak ng droga ang Oplan Tokhang, dahil kung hindi, ay maaaring maaresto sila ng mga awtoridad.

Ang Oplan Tokhang naman ay naging malaking tulong sa pagbaba ng kriminalidad sa San Mateo, Isabela, ayon sa mga pulis doon.

Sabi niPolice Chief Inspector Pilarito Mallinlin, hepe ng San Mateo Police, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapasuko ang mga umanong gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.