Lucena mayor ipinaaresto ang tiyuhing dawit sa droga

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2016 11:08 AM

MANILA - Ipinag-utos ni Lucena, Quezon Mayor Roderick Alcala sa pulisya ang pagdakip sa kanyang tiyuhing si Cerilo Athel Alcala dahil sa pagkakasangkot umano nito sa iligal na droga.

Ayon sa alkalde, hindi niya alam kung nasaan ang kanyang tiyuhin at matagal na umano silang walang ugnayan sa isa't isa.

Dati na rin umano niya itong pinagsabihan na sumuko na sa mga awtoridad.

Si Athel Alcala ay itinuturo bilang isa sa mga pinakamalaking drug pusher sa Lucena. Siya ang nakababatang kapatid ni dating Agriculture Secretary Proceso Alacala.

Una nang iniulat ng isang pahayagan na si Mayor Alcala na ang nangangasiwa sa iligal na negosyo ng tiyuhin, ayon sa hindi pinangalanang dating opisyal ng Quezon.

Pero nilinaw ng Quezon provincial police na walang rekord ang alkalde ng pagkakadawit sa bawal na gamot.

May mga ulat namang nakalabas na umano ng bansa ang kanyang tiyuhin. -- Ulat ni Ronilo Dagos, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.