Kasambahay tumangay ng P400k halaga ng ari-arian

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2016 08:38 PM

Hinahanap ng kapulisan ang suspek na si Elena Gumaca, na siyang nagnakaw umano sa pamilya Dureza ng pera at mga relo na may halagang P400,000.

MANILA – Isang pamilya ang natangayan ng P400,000 halaga ng pera at mga relo ng isang kasambahay mula sa ahensya na hindi naman pala rehistrado sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Tinangay umano ito ng kanilang bagong kasambahay na nagpakilala sa pangalan na "Elena Gumaca" na siyang tanging naiwan sa bahay nila habang nasa isang mall ang buong pamilya.

"Masama ang loob namin. Galit talaga ako, gusto ko siyang ipakulong. Iyong value ng pera pwede namang ipunin pa, kaya lang [may] sentimental value naman iyong gamit," sabi ng may-ari ng bahay na si Gen Dureza.

Ang iba umano sa mga nawalang relo ay regalo sa kanya ng kanyang asawa.

Nakuha ng surveillance system ng subdibisyon ang paglabas ni Gumaca sa gate ng komunidad. Sa kuha ng bidyo, hindi kita na may bitbit ang kasambahay, ngunit sabi ni Dureza na maaaring inilagay nito ang pera at kagamitan sa loob ng kanyang damit.

Ayon sa guwardiya ng subdibisyon, sinabi ng suspek na inutusan siya ng amo na bumili sa convenience store.

Wala pang isang linggong namasukan si Gumaca bilang kasambahay ng pamilya. Ayon kay Dureza, ipinadala ito ng isang ahensyang nahanap niya gamit ng online advertising site.

Nagmula si Gumaca sa Marvin Employment Services, na matatagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan. 

Nagpakita ang ahensya ng business permit at permit mula sa Department of Trade and Industry, kung kaya’t nagtiwala si Dureza at nagbayad ng P7,300 na placement fee. Huli na umano nang malaman niya na hindi lehitimo ang ahensyang ito.

"Ang sabi ng DOLE, hindi siya registered which means hindi siya dapat mag-operate as recruitment agency," ani Dureza.

Nagbabala ang mga awtoridad na kailangang mag-ingat ang publiko at maging mapanuri tuwing kukuha ng bagong kasambahay, lalo na kung ito ay hindi kilala.

Ayon kay Superintendent Jay Guillermo, tagapagsalita ng Philippine National Police Anti-Cyber Crime Group, dahil maraming pekeng advertisement na inilalagay online, makakatulong kung aalamin muna kung ang ahensya ay naroroon nga sa lokasyong sinasabi nito.

Payo ng pulis, mas mainam kung makakagawa ng background check ukol sa ahensya, pati na sa ipapadala nitong empleyado. Hindi umano sapat na barangay clearance lang ang hihingiin mula sa kasambahay, dahil maaaring makakuha nito kahit hindi lehitimong residente ng lugar.

"Ang the best diyan ay [humingi ng] police clearance, o kaya'y NBI clearance kasi hindi napepeke iyan," ani Guillermo.

Sinampahan na ni Dureza ng kasong qualified theft si Elena Gumaca. Handa si Dureza na magbigay ng pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.