PatrolPH

Pulis arestado sa buy-bust sa Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 12:28 AM

Arestado ang isang pulis matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Ocampo, Camarines Sur, nitong Lunes ng umaga.

Dalawang sachet umano ng shabu na nagkakahalagang P68,000 ang narekober mula sa suspek sa operasyon sa Barangay Hibago.

Narekober din ang service firearm ng suspek na Glock 17 9mm, mga bala, magazine at isang folded knife. 

Isang 43-anyos na non-commissioned officer umano ang suspek na may ranggong chief master sergeant na naka-assign sa Police Provincial Office ng Camarines Sur.

Ayon sa operating unit, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong sa umano'y pagiging sangkot ng pulis sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na droga. 

Sangkot din umano ang pulis sa pangingikil ng pera sa ilang drug personalities sa bayan ng Ocampo kapalit ng proteksiyon ng mga ito sa iligal na transaksiyon.

Bukod sa pagiging sangkot sa iligal na droga sa bayan ng Ocampo at Sangay, sangkot din umano ang suspek sa iba pang illegal gambling activities.

Nasa 20 taon na sa serbisyo ang suspek, ayon sa mga awtoridad.

Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA sa Bicol ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Ulat ni Karren Canon

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.