PatrolPH

Napaslang na Ateneo security guard, ililibing sa Miyerkoles

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 06:44 PM

via Cristina Mascardo
Ililibing sa Miyerkoles, Agosto 10 si Jeneven Bandiala, ang security guard na namatay sa pamamaril sa Ateneo de Manila University noong nakaraang buwan. Larawan mula kay Cristina Mascardo

Nakatakdang ilibing ang nabaril na Ateneo de Manila University (ADMU) security guard na si Jeneven Bandiala sa Lopez Jaena, Misamis Occidental bukas, Agosto 10.

Isa si Bandiala sa 3 nasawi sa pamamaril sa loob ng Ateneo de Manila University nitong Hulyo 24. Kabilang sa mga napaslang si dating Lamitan Mayor Rose Furigay at kanyang executive assistant na si Victor Capistrano.

Ayon kay Cristina Mascardo, asawa ni Bandiala, panatag din ang kanyang kalooban dahil natupad niya ang hiling ng mister na makauwi ng probinsya.

Bago mangyari ang insidente nakaplano nang magbakasyon sa Misamis Occidental ang mag-asawa.

"Sa Miyerkoles po ang napagkasunduan [na libing]. Ayos naman po rito, nakauwi na siya sa pamilya niya. Nandito po ang lahat ng kapatid niya," ani Mascardo. 

Nakatakdang bumalik si Mascardo sa Maynila sa susunod na Linggo.

"Babalik po ako sa Maynila, magpapatuloy ng buhay para sa anak ko," dagdag niya.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Lopez Jaena sa pamilya Bandiala.

"Ikinalulungkot ng ating bayan na nasawi ang isang Lopez Jaenon na nagta-trabaho lamang sa Maynila para sa ikabubuhay ng pamilya pero dahil sa mga personal na alitan ng ibang tao may mga inosente na nadamay," sabi ng pamahalaang lokal. 

Samantala, bago naiuwi sa probinsya ang mga labi ni Bandiala, iginawad sa kanya ng Philippine National Police ang medalya ng katangitanging asal o Blueguards special action medal nitong Agosto 3. 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.